‏ 2 Samuel 4

Pinatay si Ishboshet

1Nang marinig ni Ishboshet na anak ni Saul, na pinatay si Abner sa Hebron, pinagharian siya ng matinding takot pati na ang lahat ng mamamayan ng Israel. 2May dalawang tauhan si Ishboshet na namumuno sa pagsalakay sa mga lungsod ng mga kalaban: sina Baana at Recab. Mga anak sila ni Rimon na taga-Beerot, mula sa lahi ni Benjamin. Ang Beerot ay sakop ngayon ng Benjamin 3dahil tumakas ang mga unang naninirahan dito papuntang Gittaim. Hanggang ngayon, naninirahan pa rin sila roon bilang mga dayuhan.

4(Ang isa pang anak ni Saul na si Jonatan ay may anak na nalumpo, si Mefiboset. Limang taong gulang ito nang dumating ang balitang napatay sina Saul at Jonatan sa labanan sa Jezreel. Nang marinig ng tagapag-alaga ni Mefiboset ang balita, binuhat niya ito at tumakas. Pero dahil sa pagmamadali, nabitawan niya ang bata at nalumpo.)

5Isang araw, nagpunta sa bahay ni Ishboshet sina Recab at Baana na mga anak ni Rimon na taga-Beerot. Tanghaling-tapat nang dumating sila habang nagpapahinga si Ishboshet. 6 7Pumasok sila sa bahay na kunwariʼy kukuha ng trigo. Dumiretso sila sa kwarto ni Ishboshet kung saan nakahiga ito sa kama niya at pagkatapos, sinaksak nila ito sa tiyan. Pinutol nila ang ulo ni Ishboshet at dinala nila ito sa kanilang pagtakas. Buong gabi silang naglakbay sa Lambak ng Jordan.
Lambak ng Jordan: sa Hebreo, Araba.


8Pagdating nila sa Hebron, dinala nila kay David ang ulo ni Ishboshet at sinabi, “Narito po ang ulo ni Ishboshet ang anak ni Saul na kalaban nʼyo, na nagtangka sa inyong buhay. Sa araw na ito, ipinaghiganti kayo ng Panginoon laban kay Saul at sa angkan niya.” 9Sumagot si David, “Sasabihin ko sa inyo ang totoo sa presensya ng Panginoon na buhay, na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan. 10Noon ay may taong pumunta sa akin sa Ziklag at sinabing patay na si Saul, akala niyaʼy magandang balita ang dala niya sa akin. Sa halip, ipinadakip ko siya at ipinapatay. Iyon ang gantimpalang ibinigay ko sa balitang inihatid niya sa akin. 11Ngayon, anong gantimpala ang ibibigay ko sa masasamang taong gaya nʼyo na pumatay ng isang inosenteng tao sa sarili nitong tahanan at sa sarili niyang higaan? Hindi baʼt nararapat na patayin ko kayo para mawala na kayo sa mundo?”

12Kaya iniutos ni David sa mga tauhan niya na patayin sina Recab at Baana, at sinunod nila ito. Pinutol nila ang mga kamay at paa ng magkapatid, at ibinitin ang kanilang katawan malapit sa Imbakan ng Tubig ng Hebron. Pagkatapos, kinuha nila ang ulo ni Ishboshet, at inilibing sa libingan ni Abner sa Hebron.

Copyright information for TglASD